Bagong hepe ng SGOD nanumpa sa tungkulin

Ni: G. Anthony Augusto M. Garcia

BAGONG YUGTO. Pormal na nanumpa sa kanyang tungkulin si G, Rex A. Ado bilang chief education supervisor ng School Governance and Operation Division (SGOD) na pinangunahan ni Dr. Romela M. Cruz, pansangay na superintendente ng DepEd-Mandaluyong City. Epektibo noong Hunyo 1, 2022 ang panunungkulan ni Ado bilang SGOD chief matapos ang pagreretiro ni Gng. Emma G. Arrubio.

PORMAL nang nanumpa sa kanyang tungkulin noong Hunyo 6 ang bagong hirang na chief education supervisor ng School Governance and Operations Division (SGOD) sa harap ng mahigit 100 empleyado ng Sangay ng mga Paaralang Lungsod ng Mandaluyong na pinangunahan ni Dr. Romela M. Cruz, pansangay na superintendente.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni bagong SGOD chief G. Rex A. Ado, na palalakasin niya ang pakikipag-ugnayan sa Curriculum Implementation Division (CID) upang masiguro na matugunan ang kinakailangang technical assistance ng 24 publikong paaralan ng lungsod.

Bago ang pagkakahirang na mamuno sa SGOD, nagsilbi munang pansangay na superbisor sa Music, Arts, Physical Education and Health (MAPEH) si Ado mula 2010 hanggang 2019 at superbisor ng SGOD mula 2019 hanggang sa kanyang pagkakahirang na hepe nitong Hunyo 1, 2022.

Nagsimula si Ado bilang classroom teacher sa Mandaluyong Elementary School noong 1996 hanggang sa makuha niya ang kanyang promotion bilang Teacher II noong 2001, Master Teacher I noong 2006.

Aktibo rin ang SGOD chief bilang coordinator ng DepEd-Mandaluyong City para sa local government unit at Sports coordinator.

Kinilala rin si Ado, na tubong-Masbate, bilang 2020 Ulirang Mandaleño sa larangan ng edukasyon at 2020 Outstanding Supervisor sa taunang Search for Outstanding Educators ng DepEd-Mandaluyong City.

Nagtapos si Ado ng elementarya sa Bongcanaway Elementary School sa Balud, Masbate at sekondarya sa Colegio Dela Purisima Concepcion sa Roxas City habang nagtapos kapwa ng kursong Bachelor in Elementary Education at Master of Arts in Administration and Supervision sa National Teachers College sa Maynila.

One comment

Leave a reply to Charles Johan Pinulan Cancel reply