Hubugin ang Totoong Ikaw

Sa huli, bago pa tuluyang maligaw, gamitin ang iyong kakayahan at talento sa Kultura, Sining, at Teknolohiya, hubugin mo na ang totoong ikaw.

The author, a campus journalist from City of Mandaluyong Science High School (CMSHS), is a winning editorial and column writer during the 2018 National Schools Press Conference (NSPC) and one of the most promising campus journalists of the City of Mandaluyong.

Piyesang sinulat ni: Ernest Ian Atog, mag-aaral ng CMSHS

HINDI ko kailanman malilimutan ang mga araw na sa paglalaro lamang ng Mobile Legends umikot ang mundo ko.

Klik dito, klik doon. Pipiliin ko pa ang maglaro kaysa kumain o gumawa ng bagay na magpapaunlad sa aking sarili. Hanggang sa isang araw, napahinto ako sa screen. Ano nga ba ang nakukuha ko sa pinagkakaabalahan kong ito? Ano nga ba ang pinupunan nito sa aking pagkatao?

 Sa pamunuan ng Kagawaran ng Edukasyon sa pangunguna ng ating Kalihim Leonor Magtolis-Briones, mga kawaksing kalihim, mga guro, mga home learning partner – ang mga magulang at kapwa ko kabataan… nakalimutan ko na isa pa rin akong estudyante.

Isang batang Pilipino na nasaksihan kung paano bumangon ang bansa sa mga hamon tulad ng bagyong Yolanda noong 2013 at giyera sa Marawi noong 2017.

Tulad ng mga hamong ito, kailangang nating harapin ng may katatagan ang pandemyang ating nararanasan. Hindi lamang ng bansa kundi ng buong mundo.

Sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan noong Oktubre 28, pumalo na sa 2,772,491 ang bilang ng kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Hindi tiyak kung kailan matatapos nguni’t nakikita natin na ang tatag ng pagka-Pilipino ang susupil sa sakit na ito.

Hindi ito isang uri ng pagroromantisismo. Subali’t nakita rito ang importansiya ng social media bilang magandang plataporma sa paghahatid ng mga makabuluhang impormasyon. Patunay rito ang paggamit ng mapanagutang netizens sa internet sa paglalatag ng mga datos kaugnay sa COVID-19.

Teknolohiya ang namamayani ngayon sa buhay ng mga Pilipino.

Pagdating sa edukasyon, ito rin ang nagsisilbing instrumento upang maipagpatuloy ang pagkatuto. Sa katunayan, limampu’t walong (58%) bahagdan ng mag-aaral sa bansa sa huling taong panuruan ang nakagagamit ng mga devices, ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS).

Pinatutunayan lamang nito na pagunahing ginagamit ang teknolohiya para sa ligtas na pagkatuto at pagbabahagi ng talento ng kabataan. Ayon sa We Are Social at Hootsuite advertising firms, umabot sa walumpu’t siyam na milyong (89,000,000) Pilipino ang gumagamit ng iba’t ibang social media platforms.

Namayani rin ang kultura ng pagbabayanihan ng Pilipinas at iba pang dalawampung (20) bansa ngayong pandemya. Sa katunayan, nakakalap  ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit isang bilyong pisong donasyon para sa stockpiles at standby funds.  

Sa kabilang banda, ipinagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng krisis sa pamamagitan ng maingat at masusing pagbabalangkas ng Basic Education – Learning Continuity Plan (BE-LCP) ng Kagawaran ng Edukasyon.

Gamit ang iba’t ibang learning modalities katulad ng blended at distance learning, naging angkop ang pagtuturo at pagkatuto para sa bagong normal.

Isang buhay na patotoo ang pagsasagawa ng mga integrative performance tasks sa iba’t ibang learning areas at pagbabalik ng National Festival of Talents (NFOT) na hindi sinayang ng pandemiya ang pagkakataon ng mga estudyante na maipamalas ang kanilang kakayahan.

Kaya narito ako sa harapan ng kamerang ito, may kumpiyansang ipakita ang aking kakayahan sa talumpati upang patunayan na posibleng paunlarin ang sarili sa gitna ng pandemya.

Katulad ko, maraming kabataan ang naligaw sa pandemyang ito. Sa aking karanasan, ang maling paggamit ng teknolohiya ang naging dahilan kung bakit ako naligaw noon. Ngunit teknolohiya rin ang naging instrumento upang makabalik ako sa tamang landas.          

Sa huli, bago pa tuluyang maligaw, gamitin ang iyong kakayahan at talento sa Kultura, Sining, at Teknolohiya, hubugin mo na ang totoong ikaw.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s