Hybrid learning ipatutupad sa DepEd-M’luyong: Php33M halaga ng flatscreen TV ipinamahagi sa 24 public schools

Ni: G. Anthony Augusto M. Garcia

PORMAL nang naipamahagi ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong at lokal na tanggapan ng Department of Education (DepEd) ang may kabuuang 572 units ng flatscreen television sa 24 publikong paaralang elementarya at sekondarya, Hunyo 3.

Bahagi ang pagkakaloob ng 49-inch flatscreen TV sets sa planong pagpapatupad ng hybrid learning scheme ng Sangay ng Lungsod ng Mandaluyong sa Taong Paaralang 2022-2023.

Larawan mula sa FaceBook account ni G. Roberto P. Redobante, punongguro ng Isaac Lopez Integrated School. Sa kanyang FB post, nagpasalamat si Redobante sa pamahalaang lungsod ng Mandaluyong sa pangunguna ni Mayor Carmelita A. Abalos sa ipinagkaloob na 34 units ng flatscreen TV sa paaralan na magagamit sa hybrid learning sa pagbubukas ng Taong Paaralan 2022-2023.

Ayon kay G. Rex A. Ado, bagong hirang na chief education supervisor ng School Governance and Operations Division (SGOD) at tagapag-ugnay sa local government unit (LGU), ang 572 units ng TV sets na nagkakahalagang Php 33 milyon ay unang bahagi pa lamang ng ipinangakong ayuda ng pamahalaang local para sa hybrid learning ng DepEd-Mandaluyong City sa darating na school year.

“Gagamitin ang mga flatscreen TV sa mga piling classroom para sa pilot implementation ng hybrid learning sa lahat ng public schools ng lungsod,” pahayag pa ni Ado.

Kaugnay nito, 69 na flatscreen TV ang inilaan sa lahat ng kinder classes ng publikong paaralan habang 503 units naman ang ibinigay para sa mga piling klase mula Grade 1 hanggang Grade 6 sa elementarya, Grade 7 – Grade 10 sa junior high school at Grade 11 – Grade 12 sa senior high school.

Ayon kay Dr. Alyn G. Mendoza, chief education supervisor ng Curriculum Implementation Division (CID), base ng bilang ng mga klase na magpapatupad ng hybrid learning sa pasukan sa Agosto ang distribusyon ng TV units sa mga paaralan.

“Magkakaroon ng serye ng mga gawain para sa mga punongguro at guro upang maging epektibo ang pagtuturo gamit ang hybrid learning,” sabi ni Dr. Mendoza.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Dr. Romela M. Cruz, pansangay na superintendente, sa pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mandaluyong City Mayor Carmelita A. Abalos.

“Tagumpay ang lahat ng ating programa sa ilalim ng Basic Education Learning Continuity Plan dahil sa malakas na suporta at aktibong pakikilahok ng ating city leaders,” dagdag pa ni Dr. Cruz.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s