Mahigit 50k na mag-aaral ng M’luyong magbabalik-eskwela sa Agosto 22

ulat ni AAMG

AABOT sa 52,964 mag-aaral ang inaasahang magbabalik-eskwela simula sa Agosto 22 sa 24 publikong paaralang elementarya at sekondarya ng Lungsod ng Mandaluyong.

Ayon sa Quick Count ng Kagawaran ng Edukasyon na inilabas noong Agosto 20, 91.52 porsiyento o 52,964 bilang ng mga mag-aaral mula Kinder hanggang Senior High School ng lungsod ang inaasahang magbabalik-eskwela simula sa Lunes.

Mula sa junior high school o Key Stage 3 ang may pinakamalaking bilang ng mga mag-aaral na may 18,159 na sinundan naman ng Key Stage 1 (Kinder hanggang Grade 3) na may 16,379 habang 12,181 naman ang mga mag-aaral sa Key Stage 2 (Grade 4 hanggang 6) at 5,766 sa Key Stage 4 o senior high school, habang 479 naman ang nagpatala para sa non-graded.

Inaasahan naman ni G. Rex A. Ado, chief education supervisor ng School Governance and Operations Division (SGOD), na tataas pa ang bilang ng mga estudyante na magpapatala sa mga paaralan sa unang linggo ng pagbubukas ng klase.

“Maaari pang mahigitan ang bilang ng enollment ng nakaraang taon na may 57,869,” pahayag ni G. Ado. “Hindi pa natin naisama ang mga estudyante na nagpapatala sa Alternative Learning System.”

Samantala, pitong paaralan ng lungsod ang magpapatupad ng full 5 days in-person classes na kinabibilangan ng Amado T. Reyes Elementary School (ATRES), Renato Lopez Elementary School (RLES), Doña Basilisa Yangco Elementary School (DBYES), Doña Pilar C. Gonzaga Elementary School (DPCGES), Mandaluyong Elementary School (MES), Pleasant Hills Elementary School (PHES) at Hulo Integrated School.

Labimpitong paaralan naman na kinabibilangan ng limang elementary schools, walong integrated schools at apat na secondary schools ang magpapatupad ng gradual transition to full 5 days in-person classes.

Tatlong araw na full in-person at dalawang araw na blended learning ang ipatutupad ng 17 publikong paaralan ng lungsod mula Agosto 22 hanggang Setyembre 30 habang apat na araw na in-person at isang araw na blended learning naman mula Oktubre 3 hanggang 31.

“Sapat na panahon ang gradual transition scheme upang maihanda ang mayorya ng mga mag-aaral  para sa full 5 days in-person classes pagsapit ng Nobyembre 2,” dagdag pa ni Ado.

Leave a Reply