School community, SDO officials pinuri ni RMC: Balik-Eskwela 2022 tagumpay dahil sa maayos na pamamahala, responsableng pagsusuri
ulat ni AAMG
MAAYOS na pamamahala + responsableng pagsusuri = matagumpay na pagbabalik-eskwela.

Ganito inilarawan ni Dr. Romela M. Cruz, tagapamanihalang pansangay ng Tanggapan ng mga Paaralan ng Sangay ng Lungsod ng Mandaluyong, ang pagbubukas ng klase ng 24 publikong paaralan sa lungsod nitong Agosto 22.
Sa kanyang mensahe, naging matagumpay ang pagsalubong sa may 53,194 na mag-aaral mula kinder hanggang senior high school, mas mataas sa quick count ng Kagawaran ng Edukasyon na may 52,964 bilang ng mga mag-aaral noong Agosto 20.
“Isang matagumpay na unang araw ng klase para sa lahat ng mga punong-guro, mga guro,
CID at SGOD Officials,” pahayag ni Dr. Cruz. “Naging matiwasay ito dahil sa inyong maayos na pamamahala at responsableng pagsusuri.”
Hinikayat pa ng punong ehekutibo ng sangay ang mga buong SDO-Mandaluyong community na panatilihin ang kanilang sigasig na ihatid ang pinakamahusay na serbisyong edukasyon sa bawat Batang MANDunong.
Ayon sa datos ng DepEd-Mandaluyong, nakapagtala ang Nueve De Febrero Elementary School (NDFES) ng may pinakamataas na bilang ng mga mag-aaral sa elementarya nitong Lunes na may kabuuang 2,648 na sinundan naman ng Highway Hills Integrated School HHIS) na may 2,500; Mandaluyong Addition Hills Elementary School (MAHES), 2,200; Addition Hills Integrated School (AHIS), 2,192; Pedro P. Cruz Elementary School (PPCES), 2,178 at Eulogio Rodriguez Integrated School (ERIS), 2,182.
Samantala, nanguna naman sa junior high school ang Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales (MPNAG) na may 3,122 na sinundan naman ng Mandaluyong High School (MHS) na may 2,517; Andres Bonifacio Integrated School (ABIS), 1,825; ERIS, 1,803 at HHIS, 1,657.
Sa senior high school, MPNAG pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga mag-aaral na may1,543; MHS, 705; ABIS, 686; ERIS, 441 at AHIS, 422.
Kung pagbabasehan ang bilang ng mga mag-aaral noong nakaraang taon, nasa 4,675 mag-aaral pa ang kailangang hanapin upang makabalik sa mga eskwelahan ng lungsod.
“Malaking dahilan ang pagbabalik sa pribadong paaralan ng mga batang lumipat sa public school system noong kasagsagan ng pandemya,” sabi ni Dr. Cruz.
Dagdag pa niya, lumipat naman ang ilang mag-aaral sa kani-kanilang probinsiya.