Mensahe sa mga Magsisipagtapos
Dr. Romela M. Cruz, CESO VI – Pansangay na Superintendente

“Walang sinuman ang nakapagkamit ng pangarap mula maliit hanggang malaki maliban kung ang pangarap ay napanagimpan sa una pa lamang.”
- Laura Ingalls Wilder
Malugod na pagbati sa ating mga matatag at masisigasig na magsisipagtapos at lalakdaw ngayong Taong Panuruan 2021-2022.
Narating na ninyo ang isang natatanging bahagi ng inyong buhay. Isang kabanata ang matatapos na magbibigay sa inyo ng isang magandang karanasan na magpapaalala ng inyong pagpupunyagi para sa pangarap at paniniwala na susi ang edukasyon sa isang magandang buhay.
Kaakibat ng tema ng pagtatapos ngayong taon na “Gradweyt ng K to 12: Masigasig sa mga Pangarap at Matatag sa mga Pagsubok”, ang pagpapatunay na buhay ang malakas na pagtutulungan at pagkakapit-bisig ng ating mga nagsipagtapos kasama ang kanilang mga magulang at ang walang sawang suporta ng iba’t ibang indibidwal at grupo.
Tapat ang Kagawaran ng Edukasyon sa kanyang pangakong ipagpapatuloy ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng iba’t ibang programa upang higit na mapagtibay ang Basic Education – Learning Continuity Plan o BE-LCP. Layunin nitong matugunan ang mga suliranin at makapagbigay ng mabisa at mas angkop na paraan ng pagtuturo sa bawat mag-aaral.
Hindi rin tayo binigo ng ating lokal na pamahalaan at ng iba pang stakeholders ng ating pamayanan. Kasama natin sila simula pa lamang ng paghahanda sa pagpapatupad ng K to 12 program hanggang sa panahon ng pandemya. Naging malakas silang sandigan ng DepEd at mga paaralan upang masiguro na tuloy ang edukasyon.
Ipagpatuloy nawa ng bawat gradweyt ang pagtahak sa daan tungo sa inyong pangarap at manindigan sa bawat pagsubok na inyong haharapin. Palawakin ang karunungan, ituon ang direksyon pasulong, at magnilay sa kung ano ang tunay na layunin bilang isang indibidwal at palagiang maging positibong tagapaghatid at haligi ng kalakasan at kakayahang umangkop sa pagbabago. Panatilihin ang Diyos Ama bilang sentro ng inyong buhay.
Muli, pagbati sa inyo at ipagpatuloy ang apoy at init sa inyong mga puso para sa pangarap.
